‘ALARMING.’ Ganito inilarawan ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang naitatala nilang mahigit 3,000 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) araw-araw sa bansa.
“Alarming ito,” ayon kay Treatment czar Health Undersecretary Leopoldo Vega, sa panayam sa radyo, at sinabing ang 3,000 kaso ay higit na sa kalahati ng mahigit 5,000 bagong kaso ng sakit na naitatala sa bansa noong Agosto ng nakaraang taon, kung kailan nag-peak ang daily increase ng COVID-19 cases sa bansa.
Kaugnay nito, tiniyak ni Vega na nagsasagawa na sila ng precautionary measures lalo na sa pagamutan upang matuldukan na ang pagkalat pa ng sakit.
“We’re taking necessary precautionary measures lalo na sa hospitals. Ngayong week na ito, nakikita ninyo nag-i-increase ng trend, nag-a-uptick. There is an increase in the number of active cases,” aniya pa.
Dahil dito, hinikayat din niya ang pag-enhance o pagpapahusay pa sa implementasyon ng minimum health protocols sa bansa para mapigilan ang pakalat pa ng virus, lalo na ngayong mas marami pang negosyo ang pinapayagan nang magbukas muli ng pamahalaan.
“Kailangan nating tawagin na lang, nire-recommend nga nila to change it to enhanced public health standards,” ani Vega. “Kailangan i-enhance natin kasi kung magbukas ulit ng economy, itong ‘enhanced,’ ‘yung ating face mask, social distancing, ito ‘yung pinaka-vaccine talaga—preventive way in transmitting the virus.”
Nitong Sabado, nakapagtala ang DOH ng 3,439 bagong COVID-19 cases, kaya’t umakyat na sa 591,138 bilang ng impeksiyon sa bansa.
Sa naturang bilang, 535,350 ang nakarekober na, 12,465 ang namatay habang 43,323 ang nananatili pa ring aktibong kaso. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.