3K SENIORS TUMANGGAP NG PENSYON SA DSWD

LAGUNA- MAHIGIT tatlong libong senior citizens ang magiging masaya sa kapaskuhan makaraang matanggap ng mga ito ang kanilang last quarter pension na ibigay ng DSWD Laguna sa magkakahiwalay na munisipalidad kahapon.

Sa pahayag ni Erika Joana Agcanas, DSWD officer ng Laguna, maagang naproseso ang mga requirement ng mga tatanggap ng pension dahilan para maipamahagi ang pera para sa pangangailangan ng mga benepisyaryo sa lalawigan.

Halos sabay- sabay na nagpay-out ang mga bayan ng Sta.Cruz, Pagsanjan, Pila, Lumban at Siniloan sa ikaapat na distrito at Victoria, San Pablo city, Calauan at Alaminos sa ikatlong distrito ng nasabing lalawigan.

Samantala, sa isang pahayag ng mga samahan ng Laguna senior citizens movement, inaasahan daw nila ang pangakong P1,000 dagdag kada buwan na tinatanggap nila mula sa pamahalaan.

Sa kasalukuyan mahigit sa 10,000 senior citizens sa lalawigan ang patuloy pang naghihintay na maaprubahan ng iba’t-ibang LGU ang kanilang akreditasyon para mapabilang sa mga makakatanggap ng pension.

Base sa pahayag ng DSWD Region 4A office, depende umano sa availability ng pondo kung mapapabilang sa kasalukuyan dami ng benificiaries ang nakabinbin applications ng senior citizens. ARMAN CAMBE