3K ‘SINGLE’ HULI SA EDSA

EDSA

UMAABOT sa 3,000 motoristang ‘single’ ang naispatan at nahuli ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa unang araw ng dry run ng kontrobersiyal na high-occupancy vehicle (HOV) traffic scheme sa EDSA

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na mula kahapon  ng umaga ay nasa 2,953 na ‘driver-only’ ang nahuli dahil sa paglabag sa bagong traffic scheme.

Inaasahang mada­dagdagan  pa ang bilang na ito sa dakong hapon dahil bawal muli ang “driver-only” sa EDSA sa itinakdang oras.

Ang mga sasakyan na tanging driver lamang ang sakay ay bawal dumaan sa EDSA mula 7:00 hanggang 10:00 ng umaga at 6:00 hanggang 9:00 ng gabi tuwing weekdays o Lunes hanggang Biyernes.

Inilista na lamang muna ng MMDA traffic enforcers ang plate number ng mga sasakyang lumabag sa HOV traffic scheme, ngunit dahil dry run  pa lang, hindi muna pinagmulta ang mga violator.  NENET V