3RD POLIO CASE NAITALA

POLIO

Naitala na ng Department of Health (DOH) ang ikatlong kumpirmadong kaso ng polio sa bansa.

Ayon kay DOH  Secretary Francisco Duque III, ang third confirmed polio case ay isang 4-taong gulang na batang babae mula sa Datu Piang, Maguin­danao.

Aniya, hindi napatakan ng anumang dose ng oral polio vaccine (OPV) ang pasyente simula nang ito ay isilang, kaya’t madaling kinapitan ng sakit.

Lumilitaw na unang napaulat na ang pasyente ay may kaso ng acute flaccid paralysis (AFP) noong Setyembre 26, 2019, makaraang ipa-check up sa Cotabato Regional Medical Center, ngunit nitong Oktubre 24 ay nagpositibo sa vaccine-derived poliovirus 2 (VDPV2) ang stool samples ng bata na ipinadala sa National Institute of Infectious Diseases – Japan.

Nabatid na kabilang sa mga sintomas na naram­daman ng pasyente ay lag­nat, diarrhea, pagsusuka at pananakit ng kalamnan at iniuugnay rin ito sa confirmed polio case sa Morogong, Lanao del Sur.

“The polio virus isolated was genetically linked to the VDPV2 from the confirmed polio case in Morogong, Lanao del Sur,” anang DOH.

Samantala, ang samples mula sa isa pang suspected case ay sumasailalim na sa testing, at naghihintay na lamang ng resulta at confirmation.

Ang pagkumpirma sa naturang ikatlong polio case ay isinagawa ng DOH may isang araw lamang  makaraang matapos ang u­nang bugso ng kanilang synchronized polio vaccination campaign o ang  “Sabayang Patak Kontra Polio.”

Tiniyak naman ng DOH na kahit tapos na ang kanilang mass polio vaccination ay bukas pa rin ang mga lokal na health centers sa iba’t ibang panig ng bansa, para mag-alok ng libreng bakuna laban sa polio.

Ayon kay DOH Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, maaari pa ring dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pinaka-malapit na health center sa kani-kanilang lugar upang mapatakan ng OPV ang mga ito.

Sinabi ni Domingo na ang mga batang limang taong gulang pababa na hindi pa nakatatanggap ng OPV ay kailangang mapatakan upang makatiyak na hindi dadapuan ng karamdaman.

Matatandaang nagsi­mula ang malawakang pagbabakuna noong Oktubre 14 at natapos nito lamang Linggo, Oktubre 27.

Inaasahan namang aarangkada ang ikalawang bugso nito sa Nobyembre at Disyembre.

Anang DOH, sa Nob­yembre 25 hanggang Dis­yembre 7, 2019 ay nakatakda ang Sabayang Patak Kontra Polio sa buong Mindanao Region at National Capital Region.

Mayroon ding immunization schedule sa Ene­ro 6 hanggang 18, 2020, ngunit ito ay para sa mga lalawigan sa Mindanao lamang. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.