Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – Phoenix vs Converge
7:30 p.m. – Blackwater vs TNT
NAGING matatag ang Rain or Shine sa endgame upang malusutan ang Magnolia, 102-100, at mapanatili ang kanilang winning streak sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagpamalas ang Elasto Painters ng katapangan at kahinahunan sa pamamagitan ng 13-0 run na naging tuntungan nila upang malusutan ang matikas na pakikihamok ng Hotshots.
Bunga nito ay naitala ng Rain or Shine ang ikatlong sunod na panalo para sa 3-1 kartada na naglagay sa kanila sa joint third sa standings kasama ang walang larong Meralco.
Ang higit na mahalaga para kay coach Yeng Guiao ay ang character na ipinakita ng kanyang tropa makaraang masayang ang 13-point third quarter lead at pagkatapos ay naghabol sa 89-100, papasok sa huling 6:03 ng laro. “Gusto ko ‘yung ipinakita naming laban,” aniya.
“For the most part of the first half and the third quarter we had the game under control. Kaya lang nawala ‘yung momentum sa amin patapos nu’ng third quarter, napunta sa kanila. The good thing about this is, ang ganda nu’ng balik namin. Nabalikan pa namin iyon,” dagdag ni Guiao.
“Usually, kung ‘yung dating team namin, pagka nag-collapse ka na ng ganoon hindi na kami makabalik. Pero ito I see it as a good sign. Yes, we lost momentum, nakuha nila ‘yung lead. Sabi ko, wala na, baka hindi na kami makabalik. Nakabalik pa rin. So ibig sabihin, nag-iiba na ‘yung character ng team. It’s a good sign.
“But that’s really the way to win a game, eh. Kung nawalan ka ng momentum you must find a way to get back into the game and that’s what we did. That’s why if for that alone magandang panalo ito kahit hirap kami.”
Ang pagkatalo ay ika-4 na sunod para sa Magnolia upang mahulog sa 1-4.
May pagkakataon sana ang Magnolia na agawin ang panalo ngunit sumablay si Jerom Lastimosa sa isang four-pointer bago ang final buzzer.
Nanguna si Deon Thompson para sa Rain or Shine na may 18 points at 15 rebounds habang nagdagdag si Santi Santillan ng 17 points, kabilang ang apat na triples na kanyang pinakawalan sa first half na nagbigay-daan upang mahila ng E-Painters ang kanilang bentahe sa hanggang 77-64.
Malaki ang naiambag ni Andrei Caracut, na naitala ang 10 sa kanyang 15 points sa loob lamang ng wala pang apat na minuto upang sindihan ang decisive run ng Rain or Shine. Sinelyuhan niya ang kanyang kabayanihan sa isang four-pointer na nagtabla sa talaan sa huling pagkakataon sa 100 bago ang basket ni Adrian Nocum mula sa steal ni Santillan.
Nanguna si Ricardo Ratliffe na may 27 points at 13 boards habang nagdagdag si Ian Sangalang ng 21 points at gumawa si Mark Barroca ng 18 para sa Hotshots.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Rain or Shine (102) – Thompson 18, Santillan 17, Caracut 15, Tiongson 11, Nocum 10, Belga 7, Calrito 6, Datu 6, Lemetti 5, Malonzo 4, Asistio 2, Ildefonso 1.
Magnolia (100) – Ratliffe 27, Sangalang 21, Barroca 18, Lucero 11, Abueva 8, Lee 4, Dionisio 4, Ahanmisi 4, Dela Rosa 2, Lastimosa 1, Laput 0.
QUARTERS : 31-23, 50-47, 81-78, 102-100