BONG Quinto: Ang bayani ng Meralco sa kanilang panalo laban sa Terrafirma. PBA PHOTO
Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
3 p.m. – Meralco vs TNT
6:15 – Ginebra vs Terrafirma
SISIKAPIN ng Meralco na maiposte ang ikatlong sunod na panalo upang palakasin ang kanilang playoff hopes sa pagharap sa TNT sa PBA Philippine Cup ngayong Linggo sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang Bolts ay nagwagi sa kanilang huling dalawang laro kontra Barangay Ginebra at Terrafirma upang makabalik sa .500 mark (3-3) at umakyat sa gitna ng standings.
Habang magaan na dinispatsa ng koponan ang Kings, 91-73, kinailangan ng Bolts ang late game heroics ni guard Bong Quinto upang maitakas ang 86-83 panalo laban sa Dyip.
Naitala ni Quinto ang anim sa huling pitong puntos ng Meralco upang maisalba ang koponan. Tumapos siya na may 18 points, kabilang ang 16 sa second half habang nagdagdag ng 7 rebounds at 4 assists.
“Malaking part ‘yung panalo na ito kasi kung natalo kami, hindi namin alam kung paano haharapin ‘yung remaining games namin,” sabi ng dating Letran Knight.
Ang Bolts ay haharap sa Tropang Giga team na natalo ng dalawang sunod, kabilang ang 112-96 kabiguan sa NorthPort noong Biyernes ng gabi.
Ang dalawang sunod na talo ay malaking dagok sa TNT na nahulog sa ninth place na may 2-3 record.
Samantala, sa main game sa alas-6:15 ng gabi ay magsasagupa ang Barangay Ginebra at Terrafirma.
CLYDE MARIANO