TINIYAK ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ligtas at walang banta sa national security ng Filipinas ang pagpasok ng third telco player matapos itong igawad sa China telecom company.
Ayon kay DICT Acting Sec. Eliseo Rio, nasuri na ng pamahalaan ang naturang kompanya at nakitang wala naman itong banta sa seguridad.
Aniya, hindi dahil isang Chinese firm ang papasok na bagong player sa telecommunication industry ay malalagay sa alanganin ang national security.
Nilinaw ni Rio na sakaling tuluyang ipagkaloob sa Mislatel ang karapatan na maging third telco player ay magkakaloob lamang ito ng serbisyo sa telekomunikasyon, partikular ang mabilis na internet.
Kasabay nito, siniguro niya na patitibayin din ng pamahalaan ang cyber security measures ng telecommunication companies para maiwasang magamit ang mga ito upang makompromiso ang seguridad ng bansa.
Samantala, nitong nakalipas na linggo ay inilunsd ng Department of National Defense (DND), katuwang ang Cyber Group ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at private company na Synetcom Philippines, Inc., ang Cyber Bayanihan 2.0 sa AFP Commissioned Officers Club sa Camp Aguinaldo, Quezon City na dinaluhan ng private at public sectors.
Ang nasabing pagkilos ay may temang “Cyber Bayanihan 2.0 Securing the Philippines’ Critical Cybersecurity Infostructure”.
Ang Cyber Bayanihan 2.0 ay nakatutok sa pangangalaga sa information technology infrastructure ng bansa na tinatawag na infostructure sa pamamagitan ng integrating, updating, strengthening, designing, and implementing cyber Security Operations Center (SOC) capabilities and programs.
“I would like to express my gratitude to everyone here who continues to support one of the most important, albeit new aspect of the defense mission – cyber security,” ani Defense Undersecretary Cardozo M. Luna sa kanyang welcome remarks.
Layunin ng inilunsad na pagpupulong na maturuan ang government agencies, communities, at vertical markets kung gaano kakritikal ang dulot ng bagong teknolohiya sa cyberspace, at kung pano maiiwasan at madedepensahan ang cyber threats gaya ng pagnanakaw ng impormasyon sa mga stakeholder. VERLIN RUIZ
Comments are closed.