3RD TELCO MAGPAPAHUSAY NG SERBISYO NG GLOBE AT SMART?

Magkape Muna Tayo Ulit

NAGING malaking katanungan nitong mga nakalipas na linggo kung sino ang pangangalanan ng National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information anf Communications Technology (DICT) bilang ikatlong telco ng ating bansa.

Matatandaan na isa sa mga pangako ni Pangulong Duterte sa sambayanan ang madagdagan ang magbibigay ng serbisyo sa telecommunication sa atin upang maging competitive ang nasabing industriya. Tayo ang makikinabang dito sa paggamit ng cellular phones at internet kapag mas marami ang ating pagpipilian sa mga service provider. Ang wifi, pagtawag sa cellphone at texts ay maaaring maibigay na sa mas murang halaga at mas bibilis ang internet service.

Noong Miyerkoles ay inanunsiyo ng NCT at DICT na ang nagwagi sa bidding para sa ikatlong telco ay ang Udenna Group ni Dennis Uy ng Davao sa pamamagitan ng Mislatel Consortium. Ang banyagang partner nila ay ang China Tele­communications Corporation.

Ayon sa NCT at DICT, ang grupo ni Uy ay nag-iisang pumasa sa lahat ng requirements at kuwalipikasyon na nais ng ating gobyerno upang siguruhin na ang susunod na telco provider ay ka­yang makipagsabayan sa dalawang higanteng kompanya na Globe at Smart.

Sa mahigit 14 na interesadong makilahok bilang 3rd telco, nabawasan ito sa 10 hanggang tatlo na lamang ang natira na nagpahiwatig ng seryosong interes sa nasabing negosyo. Bukod sa grupo ni Uy, nakilahok din ang grupo ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na TierOne at ang Philippine Telegraph and Telephone Corp. na pinamumunuan ni James Velasquez. Parehas silang hindi nakapasa sa mahigpit at matinding requirements ng NCT at DICT. Kulang daw ang mga dokumento na isinumite nila.

Dahil sa mga pangyayaring ito, tila matindi na ang mga ginagawang preparasyon ng Globe at Smart upang manatili bilang pangunahing service providers natin. Sabagay, dadalawa lamang sila.

Mahirap ay kung isa sa dalawa ang malaglag bilang kulelat kapag umarangkada na ang serbisyo ng pangatlong telco. Napakasa-kit nu’n!

Kaya naman ang Smart kamakailan ay ginawaran ng OpenSignal, isang independent mobile analytics company, bilang nangunguna sa mobile video performance na maaaring maihalintulad sa US standard. Ang ibig sabihin nito ay ang panonood natin ng video sa a­ting telepono at telebisyon sa pamamagitan ng internet.

Ayon sa ulat ng OpenSignal, sinuri nila ang mga bansang Singapore, Australia, Taiwan, Myanmar, Thailand, Malaysia, Indonesia, Cambodia at Filipinas sa paggamit ng video experience. Sa ating bansa, pumalo ang antas ng Smart sa video experience ng 42.2%, samantalang ang Globe ay nagtala ng  29.2%. Ang nakagugulat pa rito ay ang antas ng Smart ay mas mataas pa sa overall iskor ng Filipinas na 34.98% sa lahat ng mga bansa sa Asya.

Ang sabi sa OpenSignal report, lumalabas na ang karamihan ng mga Filipino ay mas nakatutok na sa mga online video. Lumalabas na nanonood tayo ng halos siyam na oras kada linggo sa pamamagitan ng internet.

Antabayanan natin ang Globe at Smart sa susunod na taon. Pihadong aayusin talaga nila ang kanilang serbisyo. Ang balita ay ang 4G sa ating smartphones ay malapit nang mapapalitan ng 5G. Ang ibig sabihin nito ay mas mabilis na ang pag-download ng kahit na anumang apps at video sa ating mga telepono. Kita ninyo? Malaki talaga ang magagawa ng aksiyon ng pamahalaan ni Duterte na magpasok ng 3rd telco. Berigud!

Comments are closed.