3RD WIN TARGET NG BATANG PIER, DYIP

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)

4 p.m. – Terrafirma vs TNT

8 p.m. –  NorthPort vs NLEX

MALAKING adjustments ang gagawin ng NLEX Road Warriors makaraang magtamo ng ACL tear ang ace guard nito na si Kevin Alas.

Ito ang ikatlong pagkakataon na nagtamo si Alas ng naturang injury, at  hindi ulit makakasama ng Road Warriors ang Gilas player simula sa kanilang  face-off versus NorthPort Batang Pier ngayong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.

Nakatakda ang laro sa alas-8 ng gabi.

“May plano si God,” sabi ni Alas.

Si Alas ay sasailalim sa operasyon sa Disyembre makaraang mag-subside ang pamamaga sa paligid ng injured knee. At maghihintay na naman ng 10 hanggang 12 buwan bago siya muling makapaglaro.

‘Out’ na siya sa PBA Season 48 Commissioner’s Cup kung saan ang Road Warriors ay may 1-2 kartada makaraang yumuko sa Phoenix Super LPG Fuel Masters at Terrafirma Dyip at magwagi kontra San Miguel Beermen.

Nanatiling palaban ang tropa ni coach Frankie Lim at natalo kay Stephen Holt at sa kanyang Terrafirma teammates ng isang puntos lamang, 113-112, sa kabila ng pagbagsak ni Alas sa second quarter.

Sisikapin ni Thomas Earl Robinson and Co. na makabawi laban sa NorthPort team na galing din sa talo matapos ang  2-0 simula sa season.

Pinataob ng NorthPort ni coach Boni Tan, sa pangunguna ni import Venkatesha Joi, ang Dyip, 108-103, at pagkatapos ay dinispatsa ang Rain or Shine Elasto Painters, 113-103, bago nalasap ang 74-112-74 pagkatalo sa Magnolia Hotshots.

Determinado ang Batang Pier na makabawi upang makakawala sa four-way logjam kasama ang Fuel Masters, Dyip at Meralco Bolts sa 2-1 sa likod ng Hotshots (4-0).

Sa unang laro sa alas-4 ng hapon ay magbabalik si Roger Pogoy sa TNT sa kanilang pagharap sa Terrafirma.

Target ng Tropang Giga ang ikalawang sunod na panalo para umangat sa 2-1 kartada, habang aasintahin ng Dyip ang ikatlong panalo sa apat na laro.

CLYDE MARIANO