3RD WIN TARGET NG GIN KINGS

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Blackwater vs Terrafirma
5:45 p.m. – Phoenix vs Ginebra

SARIWA mula sa 18-point blowout sa dating walang talong Bay Area Dragons, puntirya ng Barangay Ginebra Kings ang ikatlong sunod na panalo sa pagsagupa sa Phoenix Super LPG Fuel Masters sa PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Mataas ang morale at puno ng kumpiyansa ang Kings (2-1) sa kanilang 5:45 p.m. duel sa Fuel Masters (1-3) matapos ang 111-93 pagdispatsa sa Dragons at sa 99-91 pagbasura sa Philippine Cup playoffs tormentor Meralco Bolts.

Ipinalasap ng Barangay Ginebra sa Bay Area ang unang talo at winakasan ang four- game winning run ng Chinese dominated Hong Kong-based squad kung saan humataw si resident import Justin Brownlee ng 46 points at nag-ambag sina Jamie Malonzo ng 17 points at Christian Standhardinger ng 17 points at 11 rebounds.

Sa panalo sa Bay Area ay binigyan ng Ginebra ng free ride ang sister team Magnolia sa solo lead sa 4-0.

Muling pangungunahan ni Brownlee ang opensiba ng Kings laban kay Kaleb Wesson na namuno sa panalo ng Phoenix kontra NLEX, 111-97, sa Philsports Arena.

Makakatuwang ni Brownlee sina LA Tenorio, Scotty Thompson, Stanley Pringle, Malonzo, Japeth Aguilar at Standhardinger.

Bukod sa opensiba, mahigpit ding babantayan ng twin tower nina Aguilar at Standhardinger ang low post upang hindi maka-penetrate ang Phoenix.

Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay magsasalpukan ang Blackwater at Terrafirma.

Mababa ang morale ng Bossing sa pagkatalo sa NorthPort Batang Pier, 83-87, noong Miyerkoles, na tiyak na sasamantalahin ng Dyip para masungkit ang unang panalo sa limang laro.

Ang Terrafirma ang tanging koponan na hindi pa nakakatikim ng panalo at iyan ang reresolabahin ni coach John Edel Cardel.

Sa kabila ng kanilang kalagayan ay hindi nawawalan ng pag-asa si Cardel.

“Sinasabi ko lagi sa kanila na hanggang may games buhay pa kami, na may pag-asa pa,” ani Cardel.

“Sa tingin ko naman hindi nag-ba-back down sa challenge ang players and ‘yung fight nila nandoon pa rin,” dagdag pa niya.

“Makuha lang namin ang breakthrough (win) sure ako na magtutuloy-tuloy na kami.”

CLYDE MARIANO