4.2M PAMILYANG PINOY NAKARANAS NG GUTOM SA GITNA NG COVID-19 CRISIS

GUTOM

NASA 4.2 million Filipino families ang nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Lumabas sa survey na 16.7 percent ang hunger rate nitong Mayo 2020, o doble ng 8.8 percent na naitala noong Disyembre 2019.

Ang 16.7 percent hunger rate ay pinakamataas din magmula noong Setyembre 2014 nang mairehistro ang 22 percent.

Lumabas din sa special SWS COVID-19 Mobile Phone Survey na isinagawa mula Mayo 4 hanggang Mayo 10 na nakaranas ng gutom ang mga pamilya dahil sa kawalan ng pagkain sa hapag kainan.

Ayon pa sa survey, 99 percent ng mga pamilya ang nakatanggap ng ayuda magmula nang kumalat ang COVID-19 sa bansa, karamihan ay mula sa pamahalaan.

Ang iba pang  food sources ng naturang mga pamilya na binanggit sa survey ay mula sa mga kaanak, pribadong grupo o institusyon, kaibigan at pribadong indibidwal.

Sa 4.2 million families, may  3.5 million ang nakaranas ng moderate hunger habang nasa 699,000 ang dumanas ng severe hunger.

Inilarawan ng SWS ang  moderate hunger na nakararanas ng gutom isang beses lamang o ilang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Samantala, ang severe hunger ay yaong mga madalas na nakararanas ng gutom sa kaparehong panahon.

Sa pinakahuling survey ng SWS ay tumaas din ang hunger  rates sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang special SWS survey ay isinagawa gamit ang mobile phone at computer-assisted telephone interviews sa 4,010 Pinoy  na may edad 15 at pataas.

Sa naturang bilang ay 294 ang respondents mula sa Metro Manila, 1,645 sa Balance Luzon, 792 sa Visayas, at 1,279 mula sa Mindanao.

Comments are closed.