4.2M SENIORS NAKATANGGAP NG SOCIAL PENSION, P100-K CENTENARIAN GIFT

senior

MAHIGIT sa 4 million indigent senior citizens at 100-year-old individuals sa buong bansa ang nakatanggap ng kani-kanilang social pension at centenarian gifts nitong nakaraang taong 2024 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, tumanggap ng buwanang pension ang 4,268,801 indigent seniors mula Enero hanggang Nob­yembre 2024.

Dagdag pa nito, nagsimula ang ahensya na magbigay ng P1,000 nitong nakaraang 2024, batay na rin sa Republic Act (RA) 11916 o “An Act Increasing the Social Pension of Senior Citizens” at bilang mandato ng RA 11916, ang mga indigent senior citizens ay tatanggap ng monthly stipend na P1,000 mula sa dating P500 kada buwan.

Bukod dito, nabigyan din ng DSWD ang 1,750 centenarians ng tig-P100,000 cash batay na rin sa nakasaad sa batas.

“We have achieved 99.43% of the 1,760 annual target for the centenarian program,” anang DSWD spokesperson.

Batay sa Republic Act No. 10868 or the Centenarians Act of 2016 ang lahat ng Pilipinong umabot sa edad na 100 na nakatira sa bansa o sa abroad ay mabibigyan ng Letter of Felicitation mula sa Pangulo ng Pilipinas, at centenarian gift na nagkakahalaga ng P100,000.

Samantala, simula naman ngayong Enero, ang implementasyon ng Centenarians Act ay nasa ilalim na ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), batay sa mandato ng Republic Act No. 11350.

PAUL ROLDAN