DAVAO CITY- UMAABOT sa 4, 300 mag-aaral simula sa kindergarten hanggang Grade 6 ang nakaranas ng face-to-face class sa Magallanes Elementary School sa lalawigang ito kahapon ng umaga.
Sa panayam kay School Principal Marlou De Asis, payapa at matiwasay naman ang unang araw ng pasukan kung saan ipinatutupad ang health protocol gaya ng pagsusuot ng facemask magin ng mga magulang o guardian ng mga mag-aaral.
Magsasagawa rin ng flag raising ceremony ang nasabing eskuwelahan tuwing Lunes at Huwebes na dadaluhan ng 151 guro at iba pang manggagawa kung saan may flag raising din araw-araw sa kani-kanilang klase simula Kindergarten hanggang Grade 6.
Gayunpaman, pansamatala munang walang school canteen at iba pang vendor sa loob at labas ng school kung saan pinapahintulutan ang mga magulang na magdala ng kanilang baon para sa mga mag-aaral.
Samantala, magsisimula ang takdang oras ng klase ng 1st stage bandang alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali habang alas-12 naman ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi ay ang 2nd stage ng class.
Ipatutupad din ang modular at virtual class ng mga mag-aaral tuwing Biyernes kapalit ng face-to-face class simula kahapon hanggang Oktubre 30.
Nabatid na aabot sa 430 elementary schools ang nagpapatupad ng face-to-face class sa buong Davao City, hindi pa kasama ang mga pribadong eskuwelahan. MHAR BASCO