KULUNGAN ang bagsak ng apat na drug personalities matapos maaresto sa magkahiwalay na drug operation sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, bandang alas-9:40 kamakalawa ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt Luis Rufo ng buy bust operation sa Bakoko St., Brgy. NBBS Kaunlaran.
Agad na inaresto ng mga operatiba sina Edgar Pag-ong, 52-anyos at Ramon Santos alyas “Champoy”, 43-anyos, kapwa (pusher/listed) matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang police poseur-buyer.
Nakumpiska sa kanila ang tinatayang nasa tatlong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,400.00 at marked money.
Samantala, bandang alas-8:30 naman ng gabi nang maaresto sina Harold Montañez, 18-anyos at Raymart Manalastas, 22-anyos, kapwa (user/listed) matapos makuhanan ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P3,400 ang halaga sa isinagawang covert monitoring ng mga operatiba ng SDEU sa M. De Vera St., Brgy. Sipac Almacen.
Dinakip din ng mga operatiba si Hazel Marie Ricafort, 18-anyos dahil sa obstruction of justice.
Kakasuhan ang apat ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES