VALENZUELA CITY – ARESTADO ang apat na hinihinalang drug personalities kabilang ang isa umanong gunrunning sa isinagawang magkahiwalay na buy bust operation kontra sa ilegal na droga at ilegal na nagbebenta ng baril sa lungsod na ito.
Dakong alas-12:30 kahapon ng madaling araw nang isagawa ng pinagsamang mga operatiba ng Valenzuela City Police NPD-DSOU sa pangunguna ni Police Major Angelo Nicolas ang buy bust operation kontra kay Roderick Santos, 26, ng Sabalo, Caloocan City na ilegal na nagbebenta ng baril sa T. Concepcion St. Brgy. Marulas, Valenzuela city.
Matapos iabot ni Santos ang isang cal. 22 na kargado ng apat na bala sa isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P500 ay agad itong inaresto ng mga operatiba kasama si Reynel Roxas, 23, ng Kabulusan Dos, Caloocan at Eduardo Matias, 25, ng Tonsuya, Malabon city.
Bukod sa nabiling baril, nakumpiska din sa mga suspek ang pitong plastic sachets na naglalaman ng hindi matukoy na halaga ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Samantala, naaresto rin ng mga operatiba ng SDEU ang isang umano’y tulak ng droga na si Arnel Salazar matapos magbenta ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga sa P200 sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa buy bust operation sa Libo St. Brgy. Malanday alas-5:10 ng hapon.
Nakuha sa suspek ang siyam na plastic sachets na naglalaman ng hindi pa mabatid na halaga ng hinihinalang shabu at buy-bust money. EVE GARCIA/ VICK TANES
Comments are closed.