BULACAN- APAT na kawani ng planta na nagsasagawa ng illegal incineration of used tires ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bayan ng Angat sa lalawigang ito kamakalawa.
Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga akusado na sina Francesco Tan y Arquero, Li Cong Wee, Jowell Olinares y Steban at Pepito Santos y Cruz na pawang kawani ng Alab Renewable Energy Development Inc.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang NBI-EnCD na may nagsusunog ng used tires na walang proper monitoring o clearances mula sa Department of Environment and Natural Resources –Environmental Management Bureau (DENR-EMB).
Napag-alaman din na ang operation ng planta ay nagdudulot sa air, ground at water contamination sa nasabing lugar dahil sa unsanctioned low-tech tire pyrolysis kung saan nagbubuga ng pollutants at toxic byproducts.
Kaagad na nagsagawa ng surveillance ang NBI-EnCD katuwang ang DENR-EMB kung saan lumilitaw na ang planta ay may Hazardous Generator Registration Certificate subalit walang Permit to Operate Air Pollution Source Equipment/Installation (PTO-APSI/E) at Discharge Permit.
Dito na sinalakay ng mga awtoridad ang nasabing planta kung saan naaktuhan sa pagsusunog ng mga gulong ang apat na akusado.
Isinailalim sa inquest proceedings sa Office of Provincial Prosecutor Malolos City, Bulacan sa paglabag sa Section 48 (3) ng R.A. 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000). MHAR BASCO