CAVITE – Kalaboso ang apat na maintenance workers na sinasabing nanikwat ng pitong condenser unit sa factory outlet makaraang masakote ng mga awtoridad sa isinagawang manhunt operation sa Barangay San Jose, Tagaytay City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Rodefel Bitoon y Alejandro, 42, ng Purok 17, Brgy. Dapdap East, Tagaytay City; Fernando Calamba y Alarcon, 47, ng Brgy. Balite, Silang, Cavite; Deo Halili y Galupe, 48, Purok Kaypayad, Brgy. Iruhin Central, Tagaytay City; at si Lope Olaya y Castillo, 49, ng Sitio Lumang Poso sa Brgy. Lalaan 2nd, Silang, Cavite.
Sa ulat ng pulisya na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na bandang alas-4:30 ng madaling araw nang madiskubre ng contructor ng UNO Factory Outlet na si Laurence Cabales na nawawala ang pitong condenser unit na nagkakahalaga ng P210k.
Kaagad namang ipinagbigay-alam ni Cabales sa regional manager ng pabrika ang insidente kung saan inatasan ang store manager na si Jomar Magales na saliksikin ang paligid ng nabanggit na pabrika hanggang sa mamataan ang ilang condenser unit sa perimeter fence ng Tagaytay Country Hotel.
Ayon sa ulat, hindi na mapapakinabangan ang mga condenser unit dahil ang spare parts nito ay nawawala kaya naman sinilip ang footages ng circuit-camera television (CCTV) ng nasabing hotel kung saan nakilala ang mga suspek na pawang maintenance workers ng Olivarez Plaza.
Dito na inilatag ng pulisya ang follow-up operation hanggang sa masakote ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 10951. MHAR BASCO
Comments are closed.