4 ASG NALAMBAT NG ANTI-TERROR UNIT NG PNP

Camilo Pancratius Cascolan

INIHARAP sa media ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan kahapon ng umaga ang  link diagram ng mga sunod-sunod na inarestong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ng anti-terror unit ng pulisya katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa magkakahiwalay na operasyon  sa Sulu at Zamboanga City.

Sa kanyang press briefing sa Camp Crame, iniulat ni Cascolan ang pagkakaaresto ng dalawang local terrorists bu­nga ng maigting na operasyon.

Unang naaresto nitong Biyernes, Oktubre 9, ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office 9, Special Action Force, CIDG, 35th Infantry Battalion si Kadija Sadji na sinasabing malapit kay ASG leader Mundi Sawadjaan

Nahuli rin si Abdulman Sarrapudin at Jailani Aira Sakandal at nakuha sa mga ito ang mga matataas na kalibre ng baril, granada at isang ISIS flag.

Iniulat din ni Cascolan na naaresto nitong Linggo ng mga awtoridad katuwang ang Western Mindanao Command sa Zamboanga City si Hassan Mohammad alyas Usi na senior leader ng ASG na napag-alamang malapit kay Radulan Sahiron na isa ring senior leader at kasamang nagtatago ni Sawadjaan.

Si Usi ay sangkot sa sa kasong kidnap for ransom.

Samantala, mas paiigtingin pa ng PNP ang kanilang counter terrorism campaign sa Sulu kung saan pinaniniwalaang nagkukuta si Sawadjaan.

Naghahanda na rin sila sa posibleng pagganti ng mga local terrorist dahil sa mga nahuli at nasawing kasamahan nito sa operasyon. REA SARMIENTO

Comments are closed.