4 BABAENG TULAK TIKLO SA BUY BUST

RIZAL- TINATAYANG nasa P300K halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa apat na babaeng suspek kamakalawa ng gabi sa Antipolo City.

Nabatid na dakong alas-7:15 ng gabi kamakalawa nang masakote ang apat na suspek sa kahabaan ng mahogany Heights Subdivision, Brgy. Bagong Nayon, Antipolo City.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon mula sa hindi nagpakilalang impormante sa opisina ng Rizal PIU/PDEU tungkol sa isang “alyas Merly” na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga sa nasabing lugar.

Agad nagkasa ng buy-bust operation ang PIU/PDEU at matagumpay na naaresto ang mga suspek na sina Merly Viray y Ramos aka Merly, 44-anyos at nakatira sa Antipolo City; Tanny Bagundang y Sampayan , 34-anyos at nakatira sa Quezon City; Manuela Bagundang y Ramos aka Abby, 55-anyos, residente ng Quezon City at Andrelei Viray y Bermejo, 18-anyos at residente ng Antipolo City.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 11pakete ng shabu na may bigat na humigit kumulang 50 gramo na nagkakahalaga ng mahigit P300K minarkahan, inimbentaryo at kinuhanan ng litrato sa mismong lugar ng operasyon at presensiya ng mga suspek na agad din namang ipinaalam ang lahat ng kanilang karapatan.

Dinala ang mga ebidensiya sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa tamang disposisyon at dokumentasyon.

Samantala, kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa Antipolo Custodial Facility na nahaharap sa reklamong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. ELMA MORALES