4 BAGONG IMPORTS IPAPARADA SA PAGBABALIK NG AKSIYON SA PBA GOVERNORS’ CUP

PBa

APAT na koponan ang magpaparada ng bagong imports sa muling pagbubukas ng PBA Governors’ Cup sa Biyernes, Peb. 11, sa Smart Araneta Coliseum.

Ang San Miguel, NorthPort, Blackwater, at Phoenix ay may bagong reinforcement sa kanilang pagsisikap na mapalakas ang kani-kanilang kampanya sa second half ng season-ending conference.

Kinuha ng Beermen si dating NBA veteran Orlando Johnson, dinala ng Batang Pier si ex-NBA player iJamel Artis, ibabandera ng Bossing si high-scoring Shawn Glover, habang hinugot ng Fuel Masters si dating San Beda Red Lion Donald Tankoua bilang immediate back-up sakaling hindi pa rin makapaglaro si original choice Paul Harris.

Ang 32-anyos na si Johnson ang pinaka-eksperyensiyado sa apat at nakapaglaro na para sa Barangay Ginebra sa 2015 Governors’ Cup, kung saan nagawa niyang ihatid ang Kings sa playoffs, subalit natalo sa Alaska Aces sa first round.

Pinalitan ng California-native na nakapaglaro sa Indiana, Sacramento, Phoenix, at New Orleans, si Brandon Brown, na ang pananatili sa Beermen ay hindi naman ganoon kasama dahil ang koponan ay 3-2 bago ang month-long break makaraang magwagi sa kanilang huling tatlong laro.

Pinalitan naman ni Artis si injured Cameron Forte, na sumalang lamang sa dalawang laro para sa 0-4 Batang Pier, habang mabigat ang hamon para kay  Glover sa Blackwater team na walang panalo sa limang laro noong si Jaylen Bond pa ang import nito.

Patuloy na nagpapagaling si Harris, na pinangunahan ang  Fuel Masters sa 3-2 kartada, mula sa mild hamstring injury na kanyang natamo sa kanilang Christmas Day win laban sa dating walang talong NLEX Road Warriors, 102-93.

At sakaling hindi payagang maglaro ang veteran import, ang 6-foot-6 na si Tankoua, isang three-time NCAA men’s champion at dating   Finals MVP sa Red Lions, ay nakahandang humalili.

“The last time we checked (with the PBA), Donald is allowed (to play),” sabi ni Phoenix coach Topex Robinson hinggil sa kaso ng pagkuha sa dating NCAA import para palakasin ang koponan. CLYDE MARIANO