4 BARANGAYS COVID FREE NA

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na apat sa kabuuang 16 na barangay sa lungsod ang idineklarang COVID free ng City Health Office (CHO) na mayroong katumbas ng 25 porsiyento case rate.

Sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ay nakapatala na lamang ang CHO ng 84 (0.2%) kaso ng virus nitong Linggo.

Base na din sa datos ng CHO, nakapagtala ang lungsod ng kabuuang bilang na 37,729 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kabilang na ang 8 bagong kaso ng virus habang nasa 36,898 pasyente (97.8%) naman ang mga naka-recover na at 747 ang mga namatay katumbas ng 2.0 porsiyentong death rate.

Ang pagtugon ng lokal na pamahalaan, sa pakikipag-ugnayan sa nasyonal na gobyerno pati na rin ang naging kooperasyon ng mga residente, ang nagbigay daan upang magtuloy-tuloy ang pagbaba ng kaso ng virus sa lungsod.

Ang apat sa 16 na barangay sa lungsod na kinabibilangan ng barangay Don Galo, La Huerta, at Vitales ng Distrito 1 at Barangay San Martin de Porres naman ng Distrito 2 ang idineklarang COVID free ng lokal na pamahalaan.

Gayunpaman, tatlong barangay pa rin sa lungsod ang may mataas na bilang ng kaso ng virus na pinangunahan ng Barangay San Isidro na mayroong 19 kaso; Barangay BF Homes na may 18 kaso at ang mga Barangay Merville at Don Bosco na mayroong tig-9 kaso ng ng COVID-19.

Ang ibang barangay na may mga kaso pa ng COVID-19 ay ang Barangay San Antonio, 8 kaso; Barangay Moonwalk, 7 kaso; mga barangay ng Sto. Niño at Sun Valley na may tig-3 kaso; mga barangay ng San Dionisio, Tambo at Marcelo Green na may tig-2 kaso habang ang Barangay Baclaran at unknown barangay ay may tig-isang kaso ng virus.

Pinaalalahanan naman ang residente na samantalahin na ang pagbabakuna laban sa COVID-19 upang mamintina ang pababang trend ng kaso ng virus para na rin sa ikagaganda ng selebrasyon sa darating na Kapaskuhan. MARIVIC FERNANDEZ