4 BARKO GAGAMITIN SA COVID-19 VACCINES

IMINUNGKAHI ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, pinuno ng National Task Force on COVID-19 na magamit ang apat na barko ng Philippine Navy para sa pagbiyahe ng mga CO­VID-19 vaccines patungo sa mga probinsiya at isla.

Ang rekomendasyon ay ginawa ni Lorenzana sa ‘Talk to the People’ ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi, Enero 25.

Bukod sa apat na barko, iniulat din ni Lorenzana na maging ang Philippine Coast Guard (PCG) ay mayroon din na siyam na barko.

Ipinaliwanag ng kalihim, ang inirekomenda niyang mga barko ay may mga freezer na angkop sa temperaturang kaila­ngang pag-imbakan ng bakuna.

“Ang mga barko ng Navy ay may freezers na may temperatura na negative 15 to negative 18 na tama po sa kinakailangang lamig ng bakuna at ang sa PCG naman ay negative 20,” ani Lorenzana.

Dagdag pa nito, may kapasidad na limang to­nelada ang kayang ilagak sa apat na barko ng Navy.

Aniya, mahalaga ang logistics sa rollout ng bakuna dahil masasayang ang mga ito kung masisira lang pagdating sa bansa.

Una nang inanunsiyo ng Malakanyang na sa susunod na linggo o sa buwan ng Pebrero ay darating na an mga bakuna kontra CO­VID-19. EUNICE CELARIO

Comments are closed.