APAT na bayan na sa lalawigang ito ang “zero’ o wala nang aktibong kaso ng COVID-19, ayon sa inilibas ng Laguna Provincial Health Office.
Ang mga ito ay Lumban, Luisiana, Rizal at Famy na wala nang naitalang aktibong kaso ng coronavirus.
Nangunguna naman sa talaan ang lungsod ng Calamba kung saan ay mayroong 446 aktibong kaso.
Inumpisahan na rin ang pediatric vaccination o pagbabakuna sa mga kabataang nasa edad 12-17.
Nasa 1000 na mag-aaral ng Calamba Science Highschool at Calamba Integrated School for the Arts na ang nabakunahan ng kontra COVID noong nakaraang Sabado.
Samantala,sa pagpapatuloy ng pagdami ng nababakunahan ay unti-unti na ring nagbubukas ang mga pasyalan sa probinsya.
Binuksan na pamosong Pagsanjan Falls sa nitong araw ng Lunes upang makabangong muli ang sector ng turismo na labis na naaapektuhan ng pandemya.
Isang malaking tulong ito para sa mga bangkerong lubos na naapektuhan ang hanapbuhay.
Sisiguraduhin naman ng lokal na pamahalaan ng Pagsanjan na masusunod ang lahat ng itinalagang public health protocols upang mapanatili ang kaligtasan ng mga residente at mga turistang magtutungo sa kanilang bayan. CYRILL QUILO