INANUNSIYO ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na apat na baybayin sa Visayas at Mindanao ang nagpositibo sa paralytic shellfish poison (PSP) o toxic red tide na lampas sa regulatory limit.
Sa shellfish bulletin na inilabas nitong Setyembre 2, sinabi ng BFAR na ang lahat ng uri ng shellfish at acetes na kilala rin bilang alamang sa Matarinao Bay sa Silangang Samar, baybayin ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at Lianga Bay sa Surigao del Sur ay hindi ligtas para kainin.
Gayunpaman, sinabi ng ahensiya na ang iba pang seafood bukod sa mga shellfish na nakolekta mula sa mga nasabing lugar ay ligtas para sa pagkain ng tao.
“Ang isda, pusit, hipon, at alimango ay ligtas na kainin ng tao basta’t sariwa at hugasan ng maigi, at ang mga panloob na organo tulad ng hasang at bituka ay tinanggal bago lutuin,” paliwanag ng BFAR.
Ang mga indibidwal na makakain ng PSP ay maaaring makaranas ng mga sintomas tulad ng pamamanhid ng mga labi at dila ilang minuto pagkatapos kumain ng nakalalasong shellfish. EVELYN GARCIA