CAVITE- APAT na big- time drug pushers na pawang mga high value target individual ang nalambat ng mga operatiba ng Cavite Anti- drug unit at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy bust operation nitong Linggo ng gabi sa Barangay Molino 2, Bacoor City.
Sa report na tinanggap ni BGeneral Carlito Gaces, Calabarzon police director mula kay Cavite police director Col. Christopher Olazo, kinilala ang mga biktima na sina George Hernandez, Jerome Gacayan, Jeffrey Molano at Roberto Marinduque , pawang mga residente ng naturang lugar.
Sa pahayag ng pulisya, ang apat ay matagal na umanong nagsasagawa ng pagtutulak ng droga sa iba’t- ibang lugar sa Cavite at madalas umanong gumagamit ng iba’ t- ibang sasakyan sa tuwing may mga katransaksyon ang mga suspek.
Ayon kay Col. Olazo, sa tulong ng isang mapagkakatiwalaang source, na- monitor ng kanyang mga tauhan ang isasagawang pagbebenta ng shabu ng grupo sa Barangay Molino kung kaya’ t agad umano silang nagpain ng asset para sa ikadarakip ng apat.
Ganap na alas-7 ng gabi nang dumating umano sina Hernandez at Gacayan sa lugar na pagdarausan ng bentahan kasunod sina Molano at Marinduque na silang may dalang droga.
Nakumpiska sa apat ang 12 piraso ng plastic sachet ng shabu na ayon sa puisya ay may street value na P 2 milyon.
ARMAN CAMBE