4 BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING DUMATING SA NAIA

DUMATING sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Hunyo 26 ang apat na Pilipino na biktima ng human trafficking sakay ng Thai Airways flight galing sa bansang Myanmar.

Ayon sa report ng Immigration Protection and Border enforcement Section (I-PROBES) nagkunwarin ang mga ito bilang mga turista at magbabakasyon sa mga bansa ng Hongkong, Thailand at Taiwan.

Ngunit, ang tunay na layunin ng apat ay magtrabaho sa Myanmar bilang mga call center agent na taliwas ang kinahinatnan ng mga ito dahil sapilitan na pinagtrabaho bilang costumers service representatives sa online scams sa remote area ng nasabing bansa.

Batay sa impormasyon na nakalap ng pahayagang ito, hindi sila pinapasuweldo, at hindi rin makaalis kung hindi magbabayad kapalit ng malaking halaga.

Anila papayagang sila maka-alis kapag nagbayad ang bawat isa sa kanila ng 5,000 RMB katumbas ng P127,000.

Nakauwi ang mga ito sa tulong ng Philippine Consulate sa Thailand at ng iba pang sangay ng pamahalaan. FROILAN MORALLOS