APAT katao ang nasawi dahil sa malawakang pagbaha at naganap na mga landslide sa Region 2.
Ayon kay Major General Pablo Lorenzo, commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, pawang pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng apat na katao.
Base sa datos na hawak ni Lorenzo, isang pasahero na naghahabol ng kanyang flight papuntang Maynila ang naglakas loob na lumusong sa malalim na baha sa bayan ng Tumauini, Isabela kahit alam na nitong delikado ang nasawi.
Bukod dito, isa rin ang naitalang patay sa Luna, Apayao at Ilagan City, Isabela nang tangkaing sulungin ang rumaragasang baha.
Namatay naman ang isa pang biktima na mula sa bayan ng Pamplona, Cagayan nang mahulog sa malalim na bahagi ng baha habang lumilikas nang atakihin ng kanyang sakit na epilepsy na sanhi ng kanyang pagkalunod.
Dalawa katao ang naitalang nawawala sa Luna Apayao at Tumauini, Isabela matapos suungin ang baha.
Hanggang sa ngayon, sinabi ni Lorenzo na patuloy na pinaghahanap ang dalawang biktima.
Samantala, sinabi ni Lorenzo na umabot sa 126,000 indibiduwal ang naapektuhan ng kalamidad ngunit sampung porsiyento na lamang nito ang nasa evacuation center matapos humupa ang tubig-baha.
May anim ang naitalang pagguho ng lupa malapit sa boundary ng Ilocos Norte at Cagayan na bahagi ng kanilang bayan.
Sa ulat ng local Office of Civil Defense, makapal na lupa o putik ang umaagos sa mga kalsada galing sa bundok kaya wala nang kahit anumang uri ng sasakyan na makadaan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.