NABABALOT ngayon ng takot ang ilang opisyal ng Bureau of Internal Revenue matapos ang umano’y sunod-sunod na panloloob sa kanilang mga kasamahan na pawang natangayan ng kaha de yero na naglalaman ng malaking halaga sa mismong kanilang tahanan.
Pero teka, hindi mareresolba ng mga awtoridad ang nakawan kung walang pormal na magrereklamo.
Napag-alaman natin na umaabot na sa apat na opisyal ng BIR ang biktima ng pagnanakaw ng armadong grupong sumalakay sa mismong bahay ng mga ito pero wala ni isa sa kanila ang nagtangkang magsampa ng reklamo para imbestigahan ang insidente.
Bakit kaya? Hindi kaya natatakot silang mabisto na mayroon silang ganoong kalaking halaga na maaaring bahagi ng ‘unexplained wealth’ mula sa kanilang ‘raket’ sa BIR? O baka naman natatakot silang balikan ng masasamang loob at simutin ang kanilang mga pinaghirapan?
Ang unang biktima ng robbery ay isang alyas Cezar na naka-assign sa Large Taxpayers Service (LTS) ng BIR.
Batay sa source, pinasok ng anim na armadong lalaki ang bahay nito at tinangay ang kanyang kaha de yero na naglalaman umano ng mahigit P20 milyon.
Ang sumunod na pinasok ang bahay at tinangayan din ng kaha de yero ay ang isang alyas Combs na nakatalaga sa BIR Makati City. Sinasabing nasa P15 milyon ang natangay ng mga magnanakaw. Hindi na nagkainteres pa si alyas Combs na magreklamo sa takot na maimbestigahan siya kung bakit may ganoon siyang kalaking halaga na itinatago sa kanyang bahay.
Ang sumunod na biktima ay isang alyas Cory na naka-assign sa BIR Caloocan City. Ang matindi nito, sinasabing isang bigating intelligence officer ang asawa nito pero nasalisihan pa rin ng mga magnanakaw.
Sakmal ng takot itong si alyas ‘Cory’ nang pasukin ng armadong kalalakihan ang kanilang bahay. Tinutukan umano ito ng baril sa sentido at pilit na pinagsasalita kung sino ang iba pang opisyal ng BIR na alam niyang may milyones sa kaha de yero.
Hindi natin alam kung itong si alyas Cory ay napakanta sa sobrang takot. Ayon sa source, nasa 15 milyon hanggang P20 milyon din ang natangay sa kanya.
Ang pinakahuling biktima ay isang alyas Inday na nakatalaga sa BIR Marikina City. Ganoon din ang style ng panloloob na ginawa sa kanya.
Alam marahil ng mga biktima na kung magrereklamo sila at makarating sa kaalaman ni Pangulong Digong Duterte ang pangyayari ay lalo silang malintikan dahil baka paimbestigahan pa sila at mayroon silang ganoong kalaking halaga na itinatago sa bahay.
Sabi ng ibang BIR officials, natatakot sila ngayon na baka isang araw ay ang bahay naman nila ang pasukin ng masasamang loob at madamay ang kanilang pamilya. Paano naman daw yaong mga matitino at sa malinis na paraan galing ang kanilang kayamanan?
Naniniwala silang iisang grupo lamang ang sumalakay sa bahay ng mga biktima subalit ang tanong nila, hindi kaya may kasabuwat itong taga-BIR kaya alam kung sino-sino sa mga opisyal ng kawanihan ang may kaha de yero na naglalaman ng milyones?
Mahirap sagutin ang katanungang ito pero mas mahirap sagutin ang tanong kung paano malulutas ng awtoridad ang isang kaso kung wala namang naghahain ng reklamo.
Kayong mga mambabasa ang sumagot sa tanong na ito: Bakit ayaw magreklamo ng mga biktima sa mga awtoridad? Bakit nakapag-imbak ng ganoong kalaking halaga ang mga biktima?
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.