KALINGA- IPINATUPAD ng pamunuan ng Tabuk City Inter-agency Task Force (CIATF) ang community quarantine lockdown sa apat na barangay upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 dulot ng hawaan sa komunidad simula kahapon.
Inaprubahan ni Tabuk City Mayor Darwin Estranero ang mahigpit na lockdown sa mga barangay Bulanao Centro, Bulanao Norte, Agbannawag, at Bado Dangwa na tatagal ng limang araw.
Nabatid na ang lockdown ay tulad ng enhanced community quarantine (ECQ) status kung saan ang galaw ng publiko ay limitado at nakatakdang magpalabas naman ng executive order ang alkalde kaugnay sa detalye ng full guidelines ng lockdown sa nasabing lungsod.
“There are a lot of pros and cons to imposing a lockdown, but definitely we have to prioritize the health and safety of our constituents,” pahayag ng mayor sa ginanap ng emergency meeting ng CIATF .
Sinang- ayunan naman ni City Health Officer Dr. Henrietta Bagayao ang ipatutupad na lockdown upang bigyan ng panahon ang pagsasagawa ng contact tracing mula sa 67 katao na bagong dinapuan ng virus na naitala sa loob lamang ng isang linggo sa Tabuk City.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagdami ng mga returning residents araw araw kung saan nalalagay sa panganib na kumalat ang virus sa nasabing lungsod.
Nabatid din kay Dr. Bagayao na ang nasabing apat na barangay na isinailalim sa lockdown ay nakapagtala ng pinakamaraming virus infections at close contacts partikular sa Brgy. Bulanao kung saan halos lahat purok ay infected na. MHAR BASCO
Comments are closed.