MUNTINLUPA CITY – APAT na Chinese na hinihinalang miyembro ng isang big time drug syndicate ang inaresto ng magkasanib na puwersa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Muntinlupa City police matapos na ang mga ito ay mahulihan ng tinatayang aabot sa 166 kilong shabu na nagkakahalaga ng P1.1 billion sa isang exclusive subdivision at parking area ng isang shopping mall sa Muntinlupa kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga nadakip na suspek na sina Go Kei Kei, 46; Chua Kian Kok, 43; Li Zhao Yang, 19, at isang senior citizen na si Emmanuel Pascual, 79, pawang mga Chinese national at naninirahan sa #175 Apitong St., Ayala Alabang Village, Brgy. Ayala Alabang, Muntinlupa City.
Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu na ang halaga ay nasa P 2,100,000.00 na nagresulta nang agarang pagka-kaaresto sa mga ito at nakumpiska sa kanila ang 40 kilong shabu.
Nang madakip ang tatlong suspek ay kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang mga naturang operatiba sa isang bahay sa Apitong St., Ayala Alabang Village hanggang sa narekober dito ang mahigit sa 100 kilo ng hinihinalang shabu sa naiwan namang bantay na si Yang.
Ayon kay Aquino ang naturang bahay ay ginagawang imbakan ng ilegal na droga na naka-pack sa pambalot ng tsaa at isinilid sa mga lata ng biscuits para maikubli ang kontrabando at handa nang i-deliver ng mga suspek sa kanilang mga parokyano.
Ang naturang bahay ay inuupahan lamang ng mga suspek at napag-alaman na palipat-lipat ang mga ito ng tirahan upang hindi sila matunton ng mga awtoridad.
Sinabi pa ni Aquino na may hinala sila na ang mga suspek ay miyembro ng “Golden Triangle”, isang drug syndicate na naka-base sa Mainland China at matagal nanilang sinusubaybayan ang mga ito.
MARIVIC FERNANDEZ