4 CHINESE NA ILIGAL NA IKINULONG NASAGIP

APAT na Chinese national na ilegal na ikinulong sa isang establisimiyento ng POGO ang nai-rescue ng mga tauhan ng Parañaque City police nitong Huwebes sa nasabing lungsod.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Jimili L. Macaraeg ang mga nai-rescue na biktima na sina Zhang Dedi, 26-anyos; Mo Jun Feng, 33-anyos; Chen Shi Ying, 25-anyos at Huang Zhi Ping, 32-anyos, pawang mga Chinese national.

Arestado naman sa isinagawang rescue operation ang tatlong suspek na sina Henry Saputra, 33-anyos, Indonesian national; Jacky Chen, 25-anyos, Chinese national; at isang babae na si Luo Bo, 26-anyos, Chinese National na pawang pinaghihinalaang hindi tunay na pangalan.

Base sa report na isinumite kay Macaraeg, dakong alas- 11:30 ng gabi nang ikinasa ng mga tauhan ng Parañaque City police ang kanilang rescue operation na isinagawa sa First Great Place Technologies na matatagpuan sa Pascor Drive, Brgy. Santo Niño, Parañaque City.

Nag-ugat ang pagsasagawa ng rescue operation makaraang mag-report ang live-in partner ni Dedi na nakilalang si Yellah Monares y Tenorias na humingi ng police assistance sa pagkawala ng biktima noon pang Marso 31.

Bago maganap ang rescue-operation ay nagkaroon ng pagkakataon si Dedi na makatawag sa celfone kay Monares kung saan kanyang ikinuwento na sapilitan siyang pinagtrabaho sa First Great Place Technologies bilang POGO worker ng walang suweldo.

Matapos makakuha ng impormasyon ang pulisya kay Monares ay agad na ikinasa ng mga tauhan ng Parañaque City police ang rescue operation na nagdulot sa pagkakaaresto naman ng mga suspek.

Nakatakdang sampahan ng kasong serious illegal detention sa Parañaque City prosecutor’s office ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police.
MARIVIC FERNANDEZ