4 CHINESE SUGATAN SA GAS LEAK

Gas Leak

MAKATI CITY – APAT na Chinese ang sugatan sa isang pagsabog na sanhi umano ng gas leak sa isang restaurant sa Makati City, Huwebes ng gabi.

Sa report ng pulisya ang pagsabog dahil sa gas leak ay nangyari dakong alas-10:00 ng gabi sa Judianchuanba Restaurant sa may Yakal St., Barangay San Antonio.

Batay sa ulat, isa sa mga Tsino na biktima ng pagsabog ay nakilalang si Ceo Yue Qing, 45, samantala ang tatlo ay hindi pa alam ang pagkakakilanlan. Ang mga biktima ay agad naman isinugod sa pinakamalapit na ospital upang magamot ang tinamong mga sugat sa katawan.

Ayon sa report ng pulisya, dalawa sa biktima ay mga kitchen helper, samantalang ang dalawa pang biktima ay napadaan lamang at nadamay.

Sa lakas ng pagsabog ay tumilansik ang pinto ng restawran hanggang sa bangketa at nagkasira-sira rin umano pati ang mga furniture at tumilapon sa kalsada.

Sa salaysay ng isang empleyado sa kalapit na restaurant na nakarinig sila ng malakas na pagsabog na sinundan ng kapal na usok sa kainang pinagmulan ng pasabog.

Ang insidente ay nangyari mga 100 metro lamang mula sa Makati City Police Station kung kaya’t agad umanong nakaresponde ang mga pulis at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection.

Nanindigan ang awtoridad na gas leak ang dahilan ng pagsabog dahil sa natuklasang gas hose na naabo ang dulo.

Ayon sa awtoridad posibleng pasisindi ng sigarilyo ang nagdulot ng spark dahil nakita ang isang pakete ng sigarilyo sa kusina at ilang upos din ng sigarilyo ang nakita sa tabi pa ng gas tank ng restaurant.

Sa pahayag ni Police Colonel Roger Simon, hepe ng Makati City Police: “Accordingly, sabi nila puwedeng doon sa sigarilyo nagsimula ‘yung spark ng apoy na pinagsimulan ng pagsabog dahil medyo kulob ‘yung cooking area nila at noong naipon na ‘yung fumes doon sa loob nag-spark nga itong ano baka siguro may naninigarilyo dahil may mga nakita nga tayong mga lighter, sigarilyo at ash tray sa loob.” MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.