KASABAY ng mahigpit na pagtutol sa High Occupancy Vehicle (HOV) Scheme sa kahabaan ng EDSA tuwing rush hour, iginiit ng isang kongresista na pangunahan na lamang ng Metro Manila mayors ang pagpapatupad ng ‘fourday work week’.
Ayon kay House Committee on Energy Vice Chairman at 1st Consumers Alliance for Rural Energy (1-Care) partylist Rep. Carlos Roman Uybarreta, kung maisasakatuparan ang pagkakaroon ng apat na araw lamang na trabaho o pasok sa opisina kada linggo ay makatitipid ng hanggang 20 porsiyento sa nakokonsumong petrolyo para sa iba’t ibang sasakyan.
Sinabi ng partylist lawmaker, na miyembro rin ng House Committee on Transportation, na suportado niya ang pagnanais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na masolusyunan ang lumalalang pagsisikip sa daloy ng trapiko, hindi lamang sa EDSA, kundi maging sa iba pang parte ng National Capital Region (NCR).
Ito’y sa dahilang nakababahala, aniya, ang report ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na nagsasabing noong nakaraang taon, ang problema sa trapiko sa Metro Manila ay katumbas ng P3.5 billion kada araw na nawawala o nalulugi sa ekonomiya ng Filipinas.
Bukod sa Metro Manila, ang nararanasan ding mabigat na trapiko sa mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal ay nagresulta sa pagkalugi sa ekonomiya ng bansa ng P2.3 billion bawat araw.
Subalit, bukod sa ilang kaparaanan na ang target ay bawasan ang bilang ng mga sasakyan sa isang partikular na oras para lamang mapaluwag ang mga lansangan, iginiit ni Uybarreta na ng pagkakaroon ng ‘compressed work week schedule’ ay maaari ring gamitin.
Kabilang, aniya, dito ang iminungkahi ng kilalang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal kung saan ang mga kawani sa Metro Manila ay apat na beses kada linggo lamang papasok o katumbas ng 10-hours duty sa isang araw.
Maaari aniyang sa araw ng Lunes, ang mga lungsod ng Manila, Taguig at Valenzuela ay walang pasok; Quezon City, Pateros at Caloocan City naman kapag Martes; sa araw ng Miyerkoles ay ang Muntinlupa City, Makati City at Pasig City; ang Malabon City, Marikina City at San Juan City kapag Huwebes at tuwing Biyernes ay ang Pasay City, Parañaque City, Navotas City at Las Piñas naman.
Sa pagtaya ni Macalintal, kung tatlong lungsod ang walang pasok, katumbas ito sa pagkawala ng halos 50,000 sasakyan sa EDSA kada araw.
Paalala naman ni Uybarreta, sa kasalukuyan ay umiiral na ang ‘four-day work week’ sa Senado at Kamara kung kaya hinimok niya ang Metro Manila mayors na subukan nilang ipatupad ito sa kani-kanilang nasasakupan, lalo na pagsapit ng buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.
“The Metro Manila mayors can set the example by adopting the four-day work week for all their LGU offices on a trial basis from October to December, which are the traffic heavy months. But their traffic personnel shall remain on the five-day schedule,” dagdag pa ng mambabatas. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.