MAYNILA – IPATATAPON ng Bureau of Immigration (BI) palabas ng bansa ang apat na dayuhan na wanted sa kanilang lugar dahil sa mga kasong kinasasangkutan ng mga ito
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sa apat na dayuhan, tatlo ang Chinese na kinabibilangan nina Lin Wengao, 41-anyos, Zhang Sen, 38-anyos, at Zhang Gaosheng, 39-anyos.
Ayon sa report ng fugitive search units (FSU) ng BI, nahuli ang tatlo sa ikinasang operasyon ng kanilang mga tauhan sa Manila at Pasay City.
Nadiskubre ng FSU na ang tatlong Chinese ay pawang mga undocumented alien dahil sa pagkakansela ng kanilang mga pasaporte ng Chinese government kaya kinokonsidera na mga illegal aliens.
Nakarating kay Morente na ang tatlo ay magkakasama sa pamemeke sa seal ng isang hospital sa China na siyang sinasabing dahilan upang makakulimbat ng tinatayang aabot sa 10 milyong RMB o katumbas na $1.5 milyon.
Samantala, nakilala naman ang isa pang pugante na si Woo Yong Wook, 45-anyos, Korean national, at naaresto noong Biyernes ng FSU sa isang restaurant sa Mabini St., Malate.
Si Woo ay wanted sa Seoul dahil sa fraudulent investment scheme kung saan nalugi ang kanyang naging biktima ng isang bilyong Won. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.