BATAAN- APAT ang kumpirmadong patay at isa ang nawawala habang 49 na mangingingisda ang nasagip matapos pataubin ng malakakas na buhawi at alon Ang kanilang mga sinasakyang bangka habang nangingisda sa karagatang sakop ng bayan ng Bagac sa lalawigang ito.
Sa inisyal na ulat ng Philippibe Coast Guard Morong, Bataan Sub-Station, nakilala ang mga nasawi na sina Gregorio Limboc, 43- anyos; Tirso De Guia, 45-anyos; Alexander Mesisna, 52-anyos at Edgar Balboa, 50-anyos habang pinaghahanap pa ang nawawalang nilang kasamahan na si Jay Magdesillo na pawang mga taga- Nasugbu, Batangas.
Mapalad namang nailigtas ang 49 na tripulante ng commercial fishing boat ng mga kapwa nila mangingisda mula sa Mariveles at Bagac na nagtulung-tulong para masagip sila.
Kuwento ng mangingisdang si Joshua Añonuevo, isa sa mga sumagip sa mga mangingisda, naganap ang insidente ng pagtaob ng bangka pasado ala-1 ng madaling araw nitong Huwebes, kung saan napataob ng malakas na buhawi at mga alon ang sinasakyan ng mga ito sa kasagsagan ng kanilang pangingisda.
Umaga na nang mamataan ng mga kapwa mangingisda na nakasampa sa tumaob na bangka na kumakaway at humihingi ng saklolo ang mga biktima.
Ayon sa Coast Guard , nasa layong 18 Nautical Miles ang layo mula sa pampang ng karagatan ng Bagac nang masalubong ng mga ito ang malakas na pag-ihip ng buhawi at malalakas na alon dahilan para tumaob ang bangkang pangisda.
Nagsasagawa pa ng search and rescue operations ang Coast Guard para sa nawawalang mangingisda.
ROEL TARAYAO