NASAKOTE ng mga miyembro ng Parañaque City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang apat na drug pushers na pinaniniwalaang pinanggagalingan ng suplay ng shabu na kumakalat sa Barangay San Dionisio sa nasabing lungsod.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Sunsodin Abuin Nolutan, 33-anyos; Alvin Sakatani Dalamban, 25-anyos; Rohanin Ungad Ali, 22-anyos; at Fatima Delos Santos Abdulmari, 26-anyos na mga pawang residente ng Parañaque City.
Base sa report na natanggap ni Parañaque City police chief P/Col. Maximo Sebastian, inaresto ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation dakong ala-5:20 ng hapon sa Vietnam St., Ninoy Aquino Avenue, Barangay San Dionisio ng naturang lungsod.
Nag-ugat ang pagsasagawa ng operasyon ng mga awtoridad makaraang makatanggap ng ulat ang pulisya sa talamak at ilegal na pagbebenta ng shabu sa komunidad.
Makaraang magpositibo sa isinagawang surveillance operation ay agad na nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng SDEU na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Nakumpiska sa posesyon ng mga ito ang 16 na sachets ng shabu na tumitimbang ng 25 gramo na nagkakahalaga ng P170,000.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (illegal possession of prohibited drugs) ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa Parañaque police custodial facility. MARIVIC FERNANDEZ