BULACAN- APAT na drug peddlers ang nadakip kabilang ang isang lolong rider na nasita sa checkpoint dahil walang suot na helmet habang lulan ng motorsiklo at madiskubreng may dalang 6,000 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot ng plastic at nagkakahalaga ng P720K sa Barangay Ibayo,Marilao ng lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Col.Rommel J.Ochave,Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, ang naarestong si Jovencio Garcia, 67-anyos ng Mapulang Lupa,Valenzuela City na nakumpiskahan ng P670,000 halaga ng marijuana with fruiting tops na nakaditine at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165.
Nadakip din sa hiwalay na buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit(SDEU) ang tatlo pang tulak na sina Mark Angelo De Vera alias Gelo ng Real De Cacarong,Pandi;Edmon Herrera alias Mon ng Barangay Lawa,Obando at Herminio Nicdao alias Wang Yu ng Barangay Poblacion,Baliwag pawang sa Bulacan.
Pasado alas-10 ng gabi nang parahin ng operatiba ng Marilao police sa over-all supervision ni Lt.Col. Bernardo Pagaduan,Chief of Police ng Marilao PNP,ang lolong si Garcia dahil dumaan ito sa checkpoint na walang suot na helmet at matapos suriin ang dokumento ng kanyang motorsiklo ay dito nadiskubre ang tatlong nakabalot na droga at dalawang bricks ng damo na nakabalot ng plastic at packaging tape.
Umabot ang timbang ng damo sa 6,000 gramo na may Dangerous Drug Board (DDB) value na P720,00O at lumilitaw sa intelligence report ng Marilao police na ang nadakip na lolong tulak ang isa sa mga supplier ng damo sa Barangay Ibayo.
Nakorner din ng SDEU operative sa buy-bust operation ang tatlo pang tulak sa mga bayan ng Pandi,Obando at Baliwag at umabot sa 11 pakete ng shabu at buy-bust money ang narekober sa tatlong drug pusher sa hiwalay na anti-illegal drugs operation ng pulisya. MARIVIC RAGUDOS