MAGKAKASAMANG isinelda ang apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu nang madakma sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Navotas City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang mga naarestong suspek na sina alyas “Benjamin”, 22, at alyas “Marvin”, 25, kapwa residente ng Manila.
Ayon kay Col. Cortes, ikinasa ni P/Capt. Luis Rufo Jr., hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation nang magpositibo ang natanggap nilang impormasyon na dumadayo pa umano ang mga suspek sa lungsod para magbenta ng shabu.
Nang tanggapin umano ng mga suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba dakong alas-10:10 ng gabi sa Lapu-Lapu Street Barangay San Roque.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10.3 grams ng suspected shabu na may standard drug price value na P70,040.00 at buy bust money.
Bandang alas-4:04 ng madaling araw nang madakma naman ng kabilang team ng SDEU ang dalawa ring tulak na sina alyas “Tukmol” at alyas “Kalut”, sa buy bust operation sa Babanse St. Brgy. NBBS.
Ani Capt. Rufo na nanguna sa operation, nasamsam sa mga suspek ang nasa 10.26 gramo ng hinihinalang shabu na katumbas na halagang P69,768.00 at buy bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
EVELYN GARCIA