MAGUINDANAO – MAY apat na foreign terrorists ang inulat na napaslang ng militar sa inilunsad na airstrike ng Philippine Air Force (PAF) sa Liguasan Delta sa lalawigang ito.
Kasalukuyang bineberipika ang report na kasama raw ang apat na dayuhan sa 23 mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group) na nasawi sa inilunsad na law enforcement operation ng Joint Task Force Central ng militar.
Una nang napabalita ang 15 foreign looking na kasama umano sa grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Komander Abu Toraifie ng BIFF-ISIS at Komander Abu Walid ng Daeshterrorist group.
Sinasabing ang grupong pinamumunuan ni Toraifie ay may direktang ugnayan umano sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at Jemaah Islamiyah.
Nakipag-alyansa rin ang BIFF sa Maute terror group, Abu Sayyaf at ibang local terrorist group na nakitang lumalaban sa Marawi Siege.
Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ang bangkay ng mga terorista at pinaigting din ang operasyon ng Joint Task Force Central sa Liguasan Delta.
Ayon sa military report, nasa 23 na mga miyembro ng BIFF ang nasawi, isa sa militar, at dalawa naman ang nasugatan sa nagpapatuloy na operasyon ng Joint Task Force Central sa kuta ng mga terorista sa Liguasan Marsh sa hangganan ng Maguindanao at North Cotabato.
Sinusuyod ng militar ang 220 ektaryang Liguasan Delta sa General Salipada K. Pindatun, hangganan ng mga bayan ng Datu Montawal, Rajah Buayan, Pagalungan, Sultan Sabarongis sa probinsiya ng Maguindanao at Pikit, North Cotabato.
Bukod sa BIFF-ISIS inspired group na pinamumunuan ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Komander Abu Toraifie, tinutugis din ng Joint Task Force Central ang 15 foreign looking individuals na posibleng kasapi ng ISIS o kaya ay Jemmaah Islamiyah sa Liguasan Delta. VERLIN RUIZ
Comments are closed.