(4 hanggang 8 taong pagkabilanggo) EX-AFP COMPTROLLER CHIEF HINATULAN NG SANDIGANBAYAN

HINATULAN ng Sandiganbayan si retired Maj. Gen. Carlos F. Garcia, dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng pagkabilanggo ng 4 hanggang 8 taon sa kasong ‘direct bribery’ matapos ang 12 taon na plea bargaining agreement (PBA).

Bukod dito, nakapaloob din sa 8 pahinang desisyon ng anti-graft court ang pagbabayad ni Garcia ng mahigit sa P400 milyon na tatlong beses na mas mataas kumpara sa isinasaad ng PBA P135 milyon at hindi ito makakalabas ng kulungan hangga’t hindi nabayaran ng buo ang multa.

Ang mga kaso ay pinag-ugatan mula sa hindi nito wastong paghahain ng kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) gayundin ang mga nadiskubreng ‘ill-gotten wealth’ ng kanyang pamilya habang nasa serbisyo.

Sa direct bribery conviction, pinatawan ng anti-graft court si Garcia ng multa na P406,300,162 o “ tatlong beses ang kabuuang halaga ng mga regalong natanggap ayon sa plea bargaining agreement, na may subsidiary imprisonment kung sakaling insolvency.”

Para sa facilitating money laundering, inatasan siyang magbayad ng multang P1.5 milyon dahil sa paglabag sa Section 4, Paragraph b ng Republic Act No. 9160, ang Anti-Money Laundering Act.

Ang desisyon ng Sandiganbayan ay alinsunod sa PBA na ginawa ni Garcia sa Office of the Special Prosecutor (OSP) ng Office of the Ombudsman (OMB) noong 2010.

Ang plea bargaining ay “isang proseso ng negosasyon sa pagitan ng prosekusyon at depensa sa isang kriminal na kaso kung saan ang akusado, bilang kapalit ng pagpapaubaya o mas magaan na sentensiya ay sumasang-ayon na umamin ng guilty sa isang mas mababang pagkakasala.”

Si Garcia ay sinampahan ng kasong plunder at money laundering dahil sa pakikipagsabwatan sa ilang tao, kabilang ang mga miyembro ng pamilya, para magkamal ng umano’y ill-gotten wealth sa anyo ng mga pondo, landholdings at iba pang real at personal na ari-arian na nagkakahalaga ng mahigit P303.2 milyon.

Si Garcia lamang ang na-arraign sa dalawang kaso na kalaunan ay pinagsama-sama.
Noong 2010, pumasok si Garcia sa isang PBA sa OSP na inaprubahan ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Binawi niya ang kanyang guilty plea to plunder at umamin ng guilty sa isang mas mababang pagkakasala ng hindi direktang panunuhol. Sa halip na money laundering, umamin siya ng guilty sa pagpapadali o facilitating money laundering. VERLIN RUIZ