4 HINATULAN NG GUILTY SA RICE SMUGGLING

KULUNGAN ang sadlak ng apat na indibidwal na nahatulang guilty ng Orion-Pilar Municipal Trial Court kaugnay sa “rice smuggling” na naganap nitong nakaraang taon sa Orion Dockyard sa bayan ng Orion, Bataan.

Guilty beyond reasonable doubt na may petsang Setyembre 5, 2022 ang ibinabang hatol ni MCTC Pilar-Orion Judge Maricar Dela Cruz- Buban laban kina Randy Castillo; Romel Garcia; Nelson Garbo at Arnold Medillo na pawang mga akusado sa kasong Agricultural Smuggling partikular sa bigas na lumabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Gayunpaman, binabaan ng korte ng hatol ang mga akusado na mabilanggo ng tatlong taon at anim na buwan hanggang apat na taon at walong buwan.

Matatandaang noong Pebrero 24, 2021, nasabat ng Customs ang barkong “LCT Yellow River” na lulan nito ang libu-libong sako ng mga puslit bigas na abot sa P260 milyon ang halaga na naaktuhan ng mga awtoridad na ikinakarga sa mga trak ang mga kontrabandong bigas.

Director noon ng Enforcement and Security Service (ESS) si Customs Commissioner Yogi Ruiz nang masabat ang mga kontrabando kung saan maagap na naaresto at nasampahan ng mga kaukulang kaso ang mga akusado.

Matagumpay na napatunayan ng Prosecution Team na pinangunahan ni Prosecutor Dennis Beber, base na rin sa mga testimonya ni BOC Port of Limay District Collector Atty. William Balayo at mga kasamahan nito.

Kaugnay nito, patuloy pang nililitis sa hukuman ang mga iligal na pag-angkat ng sigarilyo at gayundin ng Court of Tax Appeals ang Large Scale Agricultural Smuggling laban sa mga akusado.

Patuloy na nanawagan ang BOC sa mamamayan na huwag tangkilikin ang mga smuggled na produkto na maaaring makasama sa kalusugan ng tao. ROEL TARAYAO