4 HINULI SA CARA y CRUZ AT SHABU

CARA y CRUZ

CALOOCAN CITY – ARESTADO ang apat katao kabilang ang tatlong hinihinalang drug personalities dahil sa paglalaro ng ipinagbabawal na sugal na cara y cruz kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police deputy chief for Administration Supt. Ferdie Der Rosario ang mga naaresto na sina Arnel Santos, 50, street sweeper, Lorenzo Hilario, 31, parking boy, Nelson Espiritu, 47, at Albert Benitez, 22.

Ayon kay Caloocan Police Community Precinct (PCP) 2 deputy commander PSI Danilo Esguerra, dakong ala-1:50 ng madaling araw nang respondehan ng kanilang mga tauhan ang tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang grupo na naglalaro ng cara y cruz sa kahabaan ng Libis Arkana, Brgy. 20.

Pagdating ng mga pulis sa lugar, mabilis nagpulasan ang mga nasusugal su­balit nagawa pa ring madakma ang mga suspek at narekober sa mga ito ang P130 bill at tatlong coins na gamit bilang ­‘pangara’.

Nang kapkapan, narekober ng mga pulis ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu kina Hilario, Espiritu at Benitez.

Kasong paglabag sa PD 1602 at paglabag sa RA 9165 ang isinampang kaso ng pulisya kontra sa mga suspek sa piskalya ng Caloocan City.   EVELYN GARCIA