NEGROS OCCIDENTAL – BUKING ang labag sa batas na gawain ng apat na Indian nang maaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa ilegal na aktibidad ng pagpapautang ng “5-6” sa San Carlos, Negros Occidental.
Sa pahayag ni BI Intelligence Division (ID Chief Fortunato Manahan Jr., na naglabas ng mission order si Commissioner Jaime H. Morente upang arestuhin ang mga dayuhan matapos makatanggap ng reklamo tungkol sa umano’y ilegal nilang gawain.
Nakilala ang mga dayuhan na sina Manjot Singh, Mandeep Singh, Boota Singh, at Gurpreet Singh.
Ayon kay BI Intelligence Officer Jude Hinolan, na siyang nanguna sa operasyon, si Manjot Singh ay nakatakdang pabalikin ng kanilang bansa dahil sa pag-aarbor at pagtatakip kay Mandeep Singh, na overstaying naman sa bansa.
Nagkataon naman na nasa lugar sina Boota Singh at Gurpreet Singh nang madiskubreng sila ay hindi dokumentado matapos na hindi sila makapagprisinta ng pasaporte o anumang travel documents.
Muli namang hinikayat ni Morente ang publiko lalo na ang mga nakatira sa labas ng Metro Manila na huwag mag-atubiling magsumbong sa kanilang opisina kaugnay sa ilegal na aktibidad ng mga dayuhan sa kanilang lugar.
Kasalukuyang nakakulong ngayon sa BI detention facility ang apat na Indian national at nahaharap sa kaukulang kaso at posibleng deportasyon. PAUL ROLDAN