TARLAC – APAT katao ang nasawi sa salpukan ng tourist bus at truck sa Subic–Clark–Tarlac Expressway-Northbound kahapon.
Sa paunang ulat, nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Concepcion District Hospital ang mga biktima sanhi ng mga grabeng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan bunsod ng malakas na impact.
Habang nasa 40 pasahero na karamihan ay mga empleyado ng gobyerno mula Naic, Cavite ang sugatan matapos bumangga ang tourist bus sa trailer truck.
Dinala ang iba pang sakay ng bus sa Tarlac Provincial Hospital, Clark Medical City at Mabalacat Hospital.
Hindi pa kinukumpirma ng mga awtoridad kung may iba pang namatay dahil sa insidente.
Ayon kay traffic manager at spokesman ng NLEX-SCTEX Robin Ignacio, nasa 50 katao ang sakay ng bus na may plakang BEK 523.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sinalpok ng bus ang truck sa bandang likuran at dahil sa bilis ng pagpapatakbo nito ay napuruhan ang mga sakay.
Tinitingnan ng awtoridad ang posibilidad na nakatulog ang driver ng bus na posibleng naging sanhi ng insidente. VERLIN RUIZ
Comments are closed.