RIZAL- KINILALA na ng binuong Special Investigation Task Group o (SITG) ang dalawa sa apat na biktima ng salvage na natagpuang sa loob ng kotse sa Montalban sa lalawigang ito.
Sa ulat ni Col. Dominic Baccay, Rizal PNP Provincial Director, kay Calabarzon-4A Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinilala ang dalawa na sina Robert Ryan Amarillo y Shares, 40- anyos, tubong Vigan Ilocos Sur ng No. 164 E. Granja St., Brgy., Otso Lucena City at Carl Pabalan y Alvarado, 51-anyos, tubong Negros Occidental, residente ng Blk-50 Lot-16, Lumima Homes, Brgy., Isabang, Tayabas, Quezon.
Samantala, hindi pa kilala ang dalawang babae na kasamang natagpuan sa inabandonang Nissan Almera NGU-1923 sa Sitio Licao-Licao, Brgy. Macabud, Montalban, Rizal.
Matatandaan na nitong Lunes, dakong ala-5 ng umaga nang natagpuan ang duguang bangkay ng mga biktima sa loob ng kotse sa nabanggit na lugar.
Dahil dito, binuo ng pulisya ang Rizal Special Investigation Task Group (RSITG) sa pangunguna ni Baccay hepe ng Montalban PNP P/Lt. Col. Marcelino Pipo Jr., para umano maresolba ang kaso at matukoy ang pangalan ng mga biktimang at maaresto ang salarin. ELMA MORALES