APAT na kawani ng National Bureau Investigation na nakatalaga sa Information and Communication Technology Division ang naaresto habang pitong fixers na pawang kasabwat sa modus operandi ay nasakote rin ng pinagsanib na puwersa ng NBI Cybercrime Division at NBI Special Task Force sa isinagawang entrapment operation operation sa bisinidad ng NBI Clearance Center nitong Martes ng umaga.
Base sa ulat na ipinalabas ni NBI Diretor Judge Jaime B. Santiago, lumilitaw na may nakalap na impormasyon ang NBI na ang apat na kawani ng nasabing ahensya ay nakikipagsabwatan sa pitong fixer para mapadali ang pagpapalabas ng NBI clearance sa halagang P800 hanggang P2,000.
Dito na isinagawa ang entrapment operation kaya mabilis na nasakote ang mga suspek na pansamantalang hindi mula isinapubliko ang mga pangalan habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Ayon kay NBI Director Judge Santiago, nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); R.A.6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) at ang R.A 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act).
Kasalukuyang isinailalim sa inquest proceeding ang mga suspek sa Prosecutor General, Department of Justice sa Padre Faura, Taft Avenue, Manila.
MHAR BASCO