4 KIDNAPER BULAGTA SA SHOOTOUT

CEBU-KAMATAYAN ang sinapit ng apat na di-kilalang lalaki na isinasangkot sa kidnapping makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP-Anti Kidnapping Group- Visayas Field Unit sa Barangay Bangkal, Lapu-Lapu City sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.

Sa inisyal na police report, lumilitaw na nakatanggap ng ulat ang pulisya kaugnay sa pagdukot sa isang dayuhang negosyante sa nasabing barangay kaya inilatag ang rescue operation ng mga tauhan ni Brig.Gen. Rudolph B Dimas ng PNP-Anti-kidnapping Group katuwang ang Regional Intelligence (RID-7), Regional Special Operations Group (RSOG-7), Lapu-Lapu City Police Office (LCPO), at ng Highway Patrol Group (HPG-7).

Gayunpaman, nakipagputukan ang grupo ng kidnaper laban sa pulisya matapos ang rescue operation sa 70-anyos na biktimang si Lyu Xingou sa loob ng residential subdivision sa nasabing barangay.

Napag-alamang inilagay sa kulungan ng aso ang biktimang naninirahan sa Brgy. Lahug, Cebu City kaya isinugod sa pagamutan makaraan ang rescue operation.

Base sa record ng pulisya, si Xingou ay dinukot ng mga armadong kalalakihan sa kanyang inuupahang bahay sa Bangkal Villege noong May 25, 2022 habang naghahanda sa pagpasok sa Mactan Newtown sa Lapu-Lapu City.

Sinasabing nagbigay na ng MB 500,000 ang pamilya ng biktima matapos na makipag-ugnayan ang mga kidnaper sa kanila sa pamamagitan ng WeChat

Kasalukuyang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng apat na napatay na pinaniniwalaang mga Chinese national din dahil sa mga dokumentong natagpuan sa kani-kanikang katawan.

Nakikipag-ugnayan ang PNP at lokal na pamahalaan ng Lapu-Lapu City sa Chinese Embassy kaugnay sa naganap na insidente. VERLIN RUIZ/ MHAR BASCO