Road Warriors vs Dyip; Beermen vs Fuel Masters
Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3:00 p.m. – Terrafirma vs NLEX
6:00 p.m. – Phoenix vs San Miguel
APAT pang koponan ang magpapasiklaban sa ikalawang araw ng aksiyon sa 47th season ng PBA ngayon sa Araneta Coliseum.
Magsasagupa ang NLEX at Terrafirma sa unang laro sa alas-3 ng hapon na susundan ng salpukan ng San Miguel at Phoenix sa alas-6 ng gabi.
Iisa ang layunin ng apat na koponan — ang maging mainit ang simula sa season-opening Philippine Cup.
“We can’t wait to get started,” wika ni coach Yeng Guiao, na ang Road Warriors ay umabot sa semifinals ng nakaraang Governors’ Cup.
“We are totally excited and ready to compete,” dagdag ni Guiao. “Everyone is healthy and looking forward to a fruitful conference. Our previous semis experience gives us a lot of hope and confidence.”
Nais naman ng tropa ni coach Johnedel Cardel na makabawi mula sa 11th place finish sa import-laced conference.
“Sana we can get off to a good start and from there makabawi from the last conference,” ani Cardel.
Batid ni Cardel na marami silang dapat gawin para maisakatuparan ito.
“Maganda ineensayo namin. Nag-concentrate kami sa depensa namin. Sa mga ineensayo namin, mga tuneup games, nakita namin mga weaknesses namin kaya we worked on those,” aniya.
Bagaman hindi pa maglalaro si Kiefer Ravena dahil may inaayos pa siya sa PBA, aminado si Cardel na mabigat pa ring kalaban ang NLEX.
“Magaling sila, fluid ang opensa, kaya kailangan i-disrupt namin execution nila,” sabj ni Cardel. “On our end, sa last conference usually maganda ini-start namin sa game pero kinakapos sa huli. Kaya kailangan ma-sustain namin game namin and lahat ng 15 players namin mag-contribute.”
Dapat ding maging handa ang NLEX, na inaasahang pangungunahan nina Kevin Alas, Don Trollano, JR Quinahan at fully healthy Calvin Oftana, kontra Terrafirma.
“We are fully aware that Terrafirma is fully stacked and healthy as well,” ani Guiao. “We are bracing ourselves for a tight and rugged opening game.”
Umaasa si Cardel na makatutulong ang kanyang rookies, sa pangunguna ni Javi Gomez de Liano, kina Juami Tiongson, Aldrech Ramos, Joshua Munzon at Andreas Cahilig.
– CLYDE MARIANO