CAVITE- PATAY na nang matagpuan ang apat na batang magkakapatid sa loob mismo ng kanilang bahay makaraang pagsasaksakin ng ka-live in ng kanilang ina sa Barangay Cabuco, Trece Martires City kahapon.
Sa ulat ni Lt. Col. Jonathan A. Asnan, chief of Police ng Trece Martires Police Station, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa isang opisyal ng Barangay kaugnay sa naganap na pananaksak sa isang bahay sa kanilang lugar.
Agad na rumesponde ang pulisya at mabilis nilang winasak ang nakapadlak na gate. Nang makapasok sila sa bahay ay tumambad sa kanila duguang mga biktima na nasa edad na 14,12, 9 na pawang mga babae at isang 5-anyos na lalaki.
Natagpuan din ang isang lalaki na may nakatarak na kutsilyo sa dibdib na posibleng nagpakamatay din matapos ang pananaksak nito sa mga biktima.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Felimon Galisangga Escalona, 38-anyos, nag-aalaga sa mga biktima na anak ng kanyang ka-live in na isang OFW.
Sinasabing selos at pera ang pinag-ugatan ng pag-aaway sa pagitan ng suspek at ng ina ng mga biktima kaya nagawa ni Escalona ang karumal-dumal krimen.
May nakuha rin na liham ang mga awtoridad na nakasaad ang paghingi ng pasensiya ng suspek sa ina ng mga biktima na sulat dugo. EVELYN GARCIA