NASA apat na milyong paslit ang target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan laban sa tigdas at polio ngayong taon.
Ayon kay DOH-National Immunization Program Manager Dr. Wilda Silva, handa na sila sa pagsasagawa ng pagbabakuna sa milyong-milyong mga bata para maiwasan ang posibleng pagkakaroon ng outbreak ng sakit sa susunod na taon.
“Ang ating plano para ma-prevent kailangang magsagawa tayo ng tinatawag na supplemental immunization activity,” pahayag pa nito.
Aniya, isasagawa nila ang pagbabakuna mula sa Oktubre 26 hanggang Nobyembre 25.
Lahat ng batang edad limang taon pababa ay kailangang mabakunahan.
Sinabi pa ni Silva na kasama sa naturang aktibidad ang mga batang nabakunahan man o hindi pa.
“Hindi na tayo magte-take ng risk, nabakunahan ka ba o hindi, hindi sigurado si nanay. Hindi po masama na maulit dahil po ang karagdagang dose na ito ay karagdagang proteksiyon,” paglilinaw pa ni Sevilla.
Sa loob ng nasabing mga araw, dapat ay bukas ang mga health center sa buong Filipinas mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon para magbakuna ng mga bata.
Maglalagay rin ang DOH ng mobile clinic sa mga temporary site na malapit sa komunidad kung masyadong malayo naman ang mga health center.
Matatandaang noong nakaraang taon ay nagsagawa ang DOH ng outbreak response immunization dahil sa rami ng kaso ng tigdas at muling magkaroon ng mga kaso ng polio sa bansa.
Dahil sa mabilis na pagtugon ng DOH, bahagyang nakontrol ang pagkalat ng naturang mga sakit ngayong taon.
Gayunman, dahil sa COVID-19 pandemic muling naantala ang mga pagbabakuna kaya’t dumarami ulit ang mga batang hindi nababakunahan na maaari umanong magdulot ng outbreak ng mga sakit sa susunod na taon, kaya’t nagpasya silang magsagawa muli ng pagbabakuna. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.